Lusot na sa ikalawang pag-basa ang House Bill 7352 o Constitutional Convention Act na magtatakda ng panuntunan sa isinusulong na ‘hybrid’ Constitutional Convention para amyendahan ang Saligang Batas.
Sa nasabing panukala, ihahalal at itatalaga ang magiging delegado ng Con-con.
Ang elected officials ay magmumula sa existing legislative districts at iboboto kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30, 2023.
Nakasaad sa House Bill na ang Con-Con ay “hybrid” na bubuuin ng 253 “elected delegates” at 63 “appointed delegates” o kabuuang 316 na miyembro.
Nabatid na 20 percent sa kabuuang delegado ay bubuoin ng sectoral delegates na itatalaga ng Senate President at House Speaker.
Ito ay kinabibilangan ng tig tatlong retired members ng judiciary, akademya, at legal profession, at tig dalawa mula sa sektor ng mga ekonomista, medical profession, science and technology profession, business sector, labor sector, urban poor, mga magsasaka at mangingisda, indigenous cultural communities, kababaihan, kabataan, mga beterano, kooperatiba, senior citizens at persons with disabilities.
Ang dagdag na sectoral delegate ay maaaring magmula sa basic sector na nakasaad sa RA 8425 o Socal Reform and Poverty Alleviation Act.
Ang mga qualified na delegates ay dapat natural born Filipino citizen, 25- years old sa araw ng eleksyon o appointment.
Ang elected delegate ay dapat may college degree, rehistradong botante at residente sa distritong tatakbuhan ng hindi bababa sa isang taon bago ang eleksyon.
Hindi naman maaaring maihalal o maitalaga ang sinomang nasintensyahan ng kasong may kaugnayan sa moral turpitude.
Dapat din na may sapat na kaalaman sa Konstitusyon ang isang delegado.
Ang bawat delegado ay makakatanggap ng P10,000 per diem.
Itatakda ang unang pulong ng Con-con alas-10:00 ng umaga ng December 1, 2023 sa PICC.
Tatagal ang termino ng mga delagado mula December 1, 2023 hanggang June 30, 2024.