-- Advertisements --

Aprubado na sa ikalawang pag-basa ang isa sa priority bills ng House of Representatives.

Sa pamamagitan ng viva voce voting ay kinatigan ng mayorya ng mga mambabatas ang House Bill 7354 na layong magpatayo ng evacuation centers sa buong bansa.

Sa nasabing panukala, magpapatayo ng evacuation centers sa kada 1,488 na munisipalidad at 146 na lungsod sa buong bansa upang ma-decongest at maiwasan na ang paggamit sa mga eskuwelahan bilang evacuation center.

Ang NDRRMC katuwang ang local government unit ang tutukoy sa mga lugar na bibigayng prayoridad sa pagpaptayo ng evacuation center.

Ibabatay ito sa kung gaano kadalas tamaan ng kalamidad ang lugar at dami ng tao na nadi-displace.

Sa mga lugar na walang matutukoy na pagtatayuan ng evacuation center, patitibayin na lamang ang kasalukuyang istruktura na ginagamit bilang evacuation center.

Ang DPWH naman ang mangunguna sa pagpaptayo ng evacuation center na dapat ay kayang lagpasan ang bagyo na may hanging hindi bababa sa 300kph ang lakas at magnitude 8 na lindol.

Kukunin ang nasabing pondo mula sa kasalukuyang budget ng DPWH habang ang mga susunod na funding ay isasama na sa National Budget.