Inaasahang malalagdaan na bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kontrobersiyal na panukalang Maharlika Investment Fund o ang Senate Bill No. 2020 sa ikalawa o ikatlong linggo ngayong buwan ng Hulyo ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ito ay kasunod na rin ng paglagda ng House Speaker sa naturang panukala ngayong linggo.
Ayon pa sa Senador, kapag naging ganap na batas na ang Maharlika Investment Fund, babalangkas na ng Implementing Rules and Regulations ang economic managers ng Marcos administration at bubuo ng isang konseho na irerekomenda sa Pangulo at siyang mamamahala sa MIF.
Kayat kailangan aniya na mahuhusay ang itatalaga sa konseho dahil fix na aniya ang mga magiging miyembro nito.
Ilan sa mga ikinokonsiderang bubuo sa konseho ay ang pinuno ng business groups, head ng Bangko Sentral ng Pilipinas, isang head ng Department of Finance at mayroon ding magmumula sa pribadong sektor.
Ang bubuuing konseho ay katulad din aniya ng Judicial Bar Council.
Sinabi din ni Sen. Zubiri na dapat na may karanasan sa private banking at finance ang mga magiging miyembro.
Muling binigyang diin din ng Senate President na hindi tampered o minadali ng Senado ang naturang panukala
Siniguro din ni Senator Zubiri na hindi ito mangyayari sa ilalim ng kaniyang liderato.