BAGUIO CITY– Malaking hamon sa Samahang Kickboxing ng Pilipinas ang nararanasang pandemya upang lalo pang palakasin ang kickboxing sports sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bryan Olod, isang International licensed Technical Official ng Kickboxing, sinabi niya na dahil sa COVID-19 crisis ay naantala ang panukala ng Philippine Olympic Committee na idagdag ang nasabing combative sport sa mga national competitions tulad ng Palarong Pambansa at Batang Pinoy.
Sinabi pa ng co-founder ng KAFAGUAY MMA na dapat sana ay maisulong ngayong taon ang lalo pang pag-usbong ng Kickboxing sa Pilipinas.
Sa ngayon ay nagpapatupad ang World Association of Kickboxing Organizations (WAKO) ng iba’t ibang serye ng webinars sa mga technical officials at coaches upang lalo pang pag-igtingin ang officiating rules ng sports.
Kamakailanlang ay dinaluhan ng aabot sa 100 na opisyales at coaches ng WAKO ang webinar kung saan isa si Olod sa tatlong Pilipinong nakasali sa event.
Dito napag-usapan ang iba’t ibang officiating rules sa Kickboxing at ang puntirya na pagkakaroon ng musical form ng sport kung saan maaari na ito sa online competition.
Dito sa rehiyon Cordillera, partikular sa Sablan, Benguet kung saan nagtatrabaho bilang guro si Olod ay patuloy pa rin aniya ang pagsasanay ng mga bata sa Kickboxing sa kabila ng nararanasang krisis sa kalusugan.