-- Advertisements --
rotc2
Adamson University ROTC (file photo)

GENERAL SANTOS CITY – Handa ang Department of Education Region 12 na sumunod at ipatupad kung anuman ang nakapaloob sa batas at mandato sa kanila kaugnay sa panukalang ibalik ang ROTC o Reserve Officers’ Training Corps.

Ito’y matapos aprubahan na sa Kamara sa ikatlong pagbasa ang mandatory ROTC.

Ayon kay Anton Maganto, tagapagsalita ng DepEd-12, hinihintay lamang nila ang magiging guidelines galing sa Central office kaugnay sa isyu ng ROTC na ngayo ay patuloy ang deliberasyon ng mga mambabatas na posibleng may mga mababago sa probisyon.

Aniya, suportado ng DepEd ang programa na magpapa-angat ng kapasidad at decision-making ng mga estudyante.

Kaugnay naman sa isyu ng hazing na pinangangambahang mangyari sa ROTC, nilinaw ni Maganto na hindi lamang ito responsibilidad ng mga paaralan, dahil may pananagutan din dito ang mga estudyante lalo na sa mga aktibidad na pinapasok.

Nabatid na nakasaad sa House Bill 8961 na magkakaroon ng mandatory ROTC program para sa mga estudyanteng enrolled sa Grades 11 at 12 sa mga public at private schools bilang requisite sa kanilang graduation.