VIGAN CITY – Nais umano ng isang kongresista na gawing manual ang bilangan ng boto sa mga polling precincts sa susunod na halalan sa bansa.
Ito ay matapos na magkaroon ng maraming aberya sa nitong nakalipas na May 13 midterm elections dahil sa mga pumalyang vote counting machine at SD card na rason kung bakit naantala ang botohan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na mas maganda kung gawing manual ang bilangan sa mga polling precincts ngunit gawing automated ang pag-transmit ng mga election results.
Naniniwala ito na sa pamamagitan ng manual count sa mga presinto ay mas madali umanong malalaman kung sino ang mga nandaya sa resulta kaysa sa makina ang magbibilang na mas mabilis ngunit mas mahirap namang matukoy kung sino ang mga nandaya sa resulta ng botohan.
Iminungkahi nito sa Commission on Elections (Comelec) na pakinggan ang kanilang suhestyon nang sa gayon ay hindi tuluyang mawalan ng tiwala sa sistema ng eleksyon sa bansa ang publiko dahil sa iba’t ibang aberya na nararanasan sa automated elections.