Target ng Senado na sabay na maipasa at mapalagdaan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang panukalang Philippine Maritime Zones at Archipelagic Sea Lanes Bill.
Ito ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa gitna nang patuloy na pangha-harass ng China sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Kabilang ang panukalang Philippine Maritime Zones Act sa mga priority bills ng legislative-executive development advisory council (LEDAC) kung saan lumusot na sa bicameral conference committee noong Hulyo.
Samantala, noong nakaraang buwan, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate bill 2665 na layong itatag ang Archipelagic Sea Lanes ng bansa.
Nagkaisang inaprubahan ng mga Senador ang panukalang batas na may 22 affirmative, zero negative votes, at zero abstentions.
Ayon sa liderato ng Senado, pina-finalize pa sa bicameral conference commitee ang panukalang Archipelagic Sea Lanes.
Napagkasunduan aniya na sabay ipasa ang mga ito upang sabay maisumite sa pangulo at mapirmahan ang mga ito.
Samantala, iginiit naman ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan na maprotektahan ang blue economy.
Ang blue economy ay patungkol sa mga yamang dagat o mga nakukuha sa karagatan at sa coastal areas na nakatutulong sa food security at nakatutulong para maibsan ang kahirapan.
Noong Agosto 19, nagkaisang inaprubahan ng mga senador ang
Senate bill no. 2450, na magtatakda ng isang framework upang mapanatili ang mga mapagkukunang yaman-dagat ng Pilipinas.
sa ilalim ng panukala, gagawa ang gobyerno ng plano para pamahalaan ang marine and coastal resources upang mabawasan ang polusyon sa lupa at dagat at labis na pangingisda.
Giit ni Gatchalian, dapat mapigilan ang pangunguha ng corals at pagtatayo ng mga isla at istruktura dahil nakasisira ito sa natural state ng West Phililippine Sea.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na hindi lamang pakikipagkalakalan natin ang maaapektuhan kung hindi ng buong mundo.