-- Advertisements --

Lusot na sa House committee on revision of laws ang panukalang magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga magnanakaw o maninira ng mga road signs.

Sa ilalim ng House Bill No. 2090 ni deputy speaker at Batangas Rep. Raneo Abu, papatawan ng 12 hanggang 15 taong pagkakakulong o multang P200,000 hanggang P300,000 ang mga lalabag dito.

Batay sa kasalukuyang batas, hindi sakop sa mga pinaparusahan ang mga nagnanakaw ng road signages kaya batay sa datos ng DPWH ay aabot sa mahigit 42,000 piraso nito ang nanakaw o sinira hanggang noong 2013.

Binigyan diin ni Abu na kaya ikinakabit ang mga road signages upang sa gayon matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at mga tumatawid sa kalsada.