Sa botong 272 pabor, apat kontra at isang abstention, aprubado na sa 3rd and final reading ng House of Representatives ang panukalang reporma sa pension system ng military at iba pang uniformed personnel (MUP).
Kasama sa House Bill (HB) No. 8969 ang tatlong porsyentong pagtaas sa sahod ng mga MUP kada taon sa loob ng 10 taon mula sa pagiging epektibo ng batas.
Ayon kay Speaker Romualdez, aayusin ng panukalang batas ang sistema ng pagbibigay ng buwanang pensyon at iba pang benepisyo sa unipormadong hanay na magiging patas sa kanila at sa pamahalaan.
Sakop nito ang lahat ng empleyado ng gobyerno na unipormado, may ranggo, may armas man o wala at bahagi ng national defense, pagpapatupad ng batas, at pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at seguridad na kabilang sa: Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, at commissioned officers ng hydrography branch ng National Mapping and Resource Information Authority na inilipat mula sa Bureau of Coast and Geodetic Survey.
Itatakda ang mandatory retirement age ng MUP sa 57 taong gulang o kapag tumagal ito sa serbisyo ng 30 taon ng tuloy-tuloy.
Ang MUP ay maaari ng boluntaryong magretiro matapos ang 20 taong pagseserbisyo.
Makakapagretiro naman ang mga key official kapag nakumpleto ang tour of duty o kung inalis ng Pangulo.
Ang mga nasa serbisyo na bago maging ganap na batas ang panukala ay makatatanggap ng buwanang retirement pay na 50 porsyento ng base pay at longevity pay ng sumunod na salary grade na kanilang hinawakan para sa 20 taon nang nasa serbisyo, at itataas ng 2.5 porsyento kada taon ng serbisyo na lagpas sa 20 taon at may maximum na 90 porsyento para sa mga 36 na taon o higit pa ang pagseserbisyo.
Maaaring namang kumuha ng lumpsum na katumbas ng tatlong taong pensyon ang isang nagretiro.
Ang komputasyon ng retirement pay ng mga bagong pasok sa serbisyo o papasok muli matapos maisabatas ang MUP pension ay 50 porsyento ng kanilang base pay at dagdag na longevity pay para sa mga dalawampung taon sa serbisyo at itataas ng 2.5 porsyento kada taon kung lagpas sa 20 taon sa serbisyo na may maximum na 90 porsyento para sa 36 na taon sa serbisyo o higit pa.
Bubuo rin ang panukala ng dalawang MUP trust funds, isa para sa Armed Forces of the Philippines at isa para sa iba pang uniformed personnel services, at magtatatag ng MUP trust fund committee na pamumunuan ng secretary of finance para mangalaga sa pondo.