Nakatakdang isumite ng Kongreso sa Malacañang ngayong araw ang panukalang batas na nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte, at cash aid para sa mga health workers at mahihirap na pamilyang apektado nang COVID-19 pandemic.
RELATED ▷▶ Urgent bill na nagbibigay ng kapangyarihan kay Duterte para labanan ang COVID-19 aprubado na ng senado
Bagama’t nauna nang inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6616 bago sumapit ang alas-12:00 ng hatinggabi, pinili ng Kamara na i-adopt o pagtibayin na lang ang Senate Bill No. 1418 upang hindi na dumaan sa bicameral conference at mapadali ang pagpasa sa panukala na sinertipikahang urgent ni Pangulong Duterte.
Pasado alas-3:30 na ng madaling araw o makalipas ang halos 17 oras na diskusyon nang matanggap ng Senado ang kumpirmasyon patungkol sa naging desisyon ng Kamara, na nagpapahintulot naman sa mga senador para ihain ito bilang “enrolled bill.”
Alinsunod sa patakaran ng Kongreso, ang enrolled bill ang siyang ipi-print at ikokonsiderang tama at susunding bersyon ng Secretary of the Senate and the Secretary General ng House of Representatives.
Nakasaad sa inaprubahang panukala na ang mga public health workers na nahawa sa sakit ay makakatanggap ng P100,000 mula sa pamahalaan, habang ang lahat ng medical practitioners na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 ay bibigyan naman ng tig-P1 million kada isa.
Itinatakda rin ng panukala na bigyan ng buwanang allowance ang nasa 18 million na mahihirap na pamilya sa buong bansa ng P5,000 hanggang P8,000 sa loob ng dalawang buwan.
Binibigyan din nito ang Pangulo, sa loob ng limitadong panahon, ng mahigit 20 special powers.
Kabilang na nga rito ang reallocation ng savings ng pamahalaan para gamitin sa COVID-19 response; pangasiwa sa operation ng anumang privately-owned hospitals, medical at health facilities, at iba pang establisiyemento at passenger vessels na gagamitin ng mga front liners kapag kakailanganin ng sitwasyon; pag-obliga sa mga nagpaparenta ng pabahay o mga paupahan, sa mga bangko, at iba pang financial institutions tulad ng GSIS, SSS, at Pag-IBIG Fund na magpatupad ng 30 days-grace period.
Ipinasa ng kongreso ang panukalang ito na tatawagin bilang “Bayanihan to Heal as One Act” isang linggo matapos na isinailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine.