-- Advertisements --

Tinabla ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga panawagang magpatupad ng academic break sa buong bansa o sa Luzon kasunod ng serye ng mga bagyong tumama sa Pilipinas.

Una rito, ilang mga pamatasan ang nagpatupad ng isang linggong class suspension dahil sa iniwang epekto ng mga bagyo, na nagdulot ng problema sa distance learning at mental stress sa mga estudyante.

Ayon kay CHED chairperson Prospero De Vera, hindi maaaring gumawa ng iisang desisyon ang komisyon kaugnay sa isyu ng academic freeze.

“No to both, especially for the nationwide academic break because the impact of the typhoon and the disasters are different across different parts of the country,” wika ni De Vera sa isang panayam.

“Number two, no also to the Luzon-wide (break) because the universities are already deciding on it,” dagdag nito.

Para kay De Vera ang mga school authorities at mga lokal na pamahalaan ang nagpapasya tungkol sa deklarasyon ng class suspension, depende sa sitwasyon sa kani-kanilang mga lugar.

“We leave that to the school authorities, because different schools and different students and families are affected differently,” anang opisyal.

Una rito, maging ang Department of Education ay umalma sa panawagang suspendihin muna ang mga klase matapos ang nangyaring sakuna.