Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang consolidated bill para sa panukalang bagong passport law.
Matapos ang nangyaring botohan, inaprubahan ng lower chamber ang House Bill 8513, o ang “New Philippine Passport Act,” na papalitan ang kasalukuyang batas na Republic Act 9239 o Philippine Passport Act of 1996.
Minamandato ng panukala ang pag-iisyu ng passport gamit ang pinaka-latest na tamper-proof data management technology.
Gagawin din nitong simple ang mga passport documentation requirement ng Department of Foreign Affairs Office of Consular Affairs, alinsunod sa mga umiiral na panuntunan na itinakda ng International Civil Aviation Organization.
Inaatasan din ng panukalang batas ang DFA na bumuo ng panibagong sistema na magpapahintulot sa mga senior citizens na i-renew ang kanilang passport kahit walang personal appearance sa pamamagitan ng teknolohiya.
Magkakaroon din ng 50% discount sa processing, issuance, o pagpapalit ng pasaporte ang mga matatanda at mga may kapansanan.
Sa oras na maisabatas ay mahaharap sa tatlo hanggang 15 taong pagkakakulong at multang P15,000 hanggang P2 million ang mga susuway dito.
Kung ang offender naman ay isang public officer, agad itong sisibakin sa serbisyo at pagbabawalan na itong humawak ng anumang public office.