Inaprubahan na ng Committee on Appropriations ang panukalang batas para sa 2024 General Appropriations Act (GAA), matapos ang matagumpay na pagbusisi sa mga pondo ng ibat ibang ahensiya ng gobyerno.
Ito ang kinumpirma ni Committee on Appropriations Senior Vice Chairman at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo matapos ang isinagawang executive committee meeting ng Komite kaninang umaga.
Sinabi ni Quimbo na bukod sa pag-apruba sa panukalang batas para sa GAA kanila na rin naaprubahan ang ang iskedyul para sa plenary debates na magsisimula sa darating na September 19, 2023.
Inihayag ni Quimbo na may ilang pagbabago sa National Expenditures Program (NEP) gaya ng validity ng budget kung saan kanilang binago ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) mula sa isa at kahating taon ginawa na itong dalawang taon.
May tinanggal din sila na parirala na nag rerequire sa Congress na mag submit ng report sa executive.
Ipinunto dito na ang Congress ay co-equal branch ng gobyerno.
Inihayag din ni Quimbo na nananatili pa rin sa pambansang pondo ang confidential funds at maging yung hiling ng Ombudsman na publication requirement ng Audit report ay nanatili.
Unang sasalang sa budget deliberations sa plenary sa Sept. 19 ay ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) subalit ang pagkakaiba na dito ay ang mismong sponsor ng ahensiya na isang mambabatas ang sasagot sa interpellator.