-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Senado ng Pilipinas ang iminungkahing P629.8-bilyong badyet ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2022.

Nasa 6% ang pagtaas nito mula sa P595 billion na badyet noong nakaraang taon.

Sa isang pahayag, pinasalamatan ni Education Secretary Leonor Briones ang Senado sa pagkilala sa pangangailangang ipagpatuloy ang pagpapalawak ng safe face-to-face classes program na nakatutok sa pagbawi ng edukasyon.

Sinabi ng DepEd na ang budget para sa General Management and Supervision nito ay tumaas mula P7.61 bilyon hanggang P8.09 bilyon na nilalayon para pondohan ang pangangailangang pangkalusugan at kaligtasan ng mga paaralan sa pagpapatupad ng face-to-face classes sa susunod na school year.

Naglaan din ito ng P358 milyon para sa bagong likha nitong programa na Priority School Health Facilities bilang tugon sa pandemya ng COVID-19.

Nagsimula ang pilot testing ng face-to-face classes noong Nobyembre 15 sa ilang lugar sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic, kung saan 100 pampublikong paaralan ang lumalahok .

Noong Martes, sinabi ng DepEd na, sa ngayon, 56 sa 100 kalahok na pampublikong paaralan ang nag-ulat na walang COVID-19 infection sa kanilang mga estudyante at guro sa unang linggo ng pilot na pagpapatupad ng mga in-person classes.

Sa kabilang banda, 18 pribadong paaralan mula sa ilang lugar sa buong bansa na itinuturing na mababa ang panganib para sa COVID-19 ay nagsimula rin ng kanilang sariling pilot face-to-face classes noong Lunes.