Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang panukalang batas
na naglalayong amyendahan ang Republic Act 11235 (RA 11235), kilala rin bilang Motorcycle Crime Prevention Act o ang Doble Plaka Law.
Ang naturang hakbang ay isinusulong ni Senate Majority Leader Francis Tolentino.
Ang Senate Bill No. 2555 ay isinulong ni Tolentino upang magbigay ng makatarungan at makatwirang patakaran sa mga motorcycle riders na magtitiyak hindi lamang ng kanilang seguridad at kaligtasan kundi pati na rin ng komunidad.
Kabilang sa mga aamyendahan ay ang probisyon ng pagpaparehistro ng mga motorsiklo sa pamamagitan ng pagkakaiba ng kaso ng bagong pagmamay-ari mula sa kaso ng kasunod na pagbebenta tulad ng mga reposses na motorsiklo.
Gayundin ang paglalagay ng RFID sticker sa harap ng motorsiklo sa halip na orihinal na decal plates sa ilalim ng RA 11235 para sa kaligtasan ng mga motorcycle riders.
Sa ilalim ng panukala ni Tolentino, aamyendahan din ang probisyon higgil sa pag-aayos ng mga parusa ng multa at pagkakakulong sa mas makatwirang halaga at panahon.