ILOILO CITY- Positibo si Senator Risa Hontiveros na mapapasa ang panukalang batas na layong itaas ang edad na sakop ng kasong statutory rape bago matapos ang taon.
Napag-alaman na aprubado na ng Senate Committee on Justice and Human Rights at ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang panukalang batas na layong mapatawan ng parusa ang mga mang-aabuso sa kabataang hanggang 16 years old kumpara sa nakasaad sa batas ngayon na hanggang 12 years old lamang.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Hontiveros, sinabi nito na nagkasundo ang mga senador na amyendahan ang naturang batas dahil na rin sa pagtaas ng kaso ng mga menor de edad na nagiging biktima ng rape gayundin ng teenage pregnancy.
Iminungkahi naman ni Hontiveros at ni Sen. Imee Marcos na magsama ng ‘romeo-and-juliet’ clause sa panukalang batas kung saan walang magiging pananagutang kriminal ang isang itinuturong salarin kung siya ay 14 to 18 years old, kung ang age difference sa pagitan ng biktima at ng perpetuator ay hindi hihigit sa apat na taon at kung mapapatunayang consensual, non-exploitative at non-abusive ang nangyaring sexual act.