-- Advertisements --

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang naglayong pabilisin ang procurement at administration ng COVID-19 vaccines ng gobyerno sa pamamagitan nang pagpahintulot sa mga LGUs na direktang makabili sa manufacturers.

Sa botong 256 na “Yes,” 0 na “No” at anim na abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill 8648.

Sa plenary session din nitong hapon ng Lunes, inaprubahan ang naturang panukala na sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.

House of Reps Congress session

Sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act of 2021, layon nitong pabilisin ang purchase o pagbili at administration ng bakuna upang matiyak na lahat ng mga Pilipino ay makakatanggap nito.

Pinapayagan nito ang mga LGUs na ma-exempt sa pagsusumite ng mga requirements sa ilalim ng Government Procurement Reform Act para mapadali ang proseso ng pagbili ng bakuna.

Bagamat hindi na kakailanganin ng public bidding ng mga LGUs para sa mabilis na pagbili ng COVID-19 vaccines, kailangan pa ring pumasok ng mga ito sa isang multiparty agreement kasama ang Department of Health at National Task Force Against COVID-19.

Lilikha rin ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na popondohan ng P500 million para pambayad danyos sa mga mababakunahan na magkakaroon ng adverse effects o magkakaproblema dahil sa bakuna.

Pinapayagan din sa panukala ang mga pharmacists at mga midwives na mag-magsagawa ng pagbabakuna kaakibat na may sapat na pagsasanay para rito.

Nakasaad din na libre sa VAT, import duties, excise tax, donor’s tax at iba pang bayarin ang mga biniling COVID-19 vaccines, ito man ay sa gobyerno o sa private entities simula January 1, 2021 hanggang December 31, 2023.

Isa pang mahalagang feature ng panukala ay ang pagkakaroon ng Vaccine Passport Program, para sa magiging talaan ng lahat ng mga nabakunahan ng COVID-19 vaccines.

Kapag maging ganap na batas, ang effectivity nito ay hanggang sa mga panahon na nasa state of calamity at public health emergency ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Maari rin na hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte sa June 30, 2022 ang bisa nito.