-- Advertisements --

DAVAO CITY – Hindi pa isinara ng mga advocates ang panukalang ipatupad ang federal government.

Ayon pa kay Lihok Pederal Dabaw (LPD) advocate Nerio Navarro na ang kampanya para baguhin ang sistema ng bansa patungong pederalismo ay nagpapatuloy pa rin kahit na hindi ito kabilang sa binanggit sa State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong buwan ng Hulyo.

Aminado naman si Navarro na ang pagbabago ng political system ay wala pa sa tamang panahon dahil hindi umano ito magdudulot ng kabutihan sa bansa at sa Pangulo.

Dahil binuo umano ang Inter-Agency Task Force on Federalism (IATF) ni Pangulong Duterte maraming ahensiya gaya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba’t ibang federalism movements ang nagkaisa at naging isang single group kung saan binisita ang mga Barangay para pag-usapan ang laman at ang positibo na epekto sa pagbago ng sistema ng pamahalaan.

Samantalang ilan umano sa mga federalism groups at advocates ang nahahati pa rin ang paniniwala kung anong klase na federal model ay kailangan na ipatupad.

Ilan umano ay nagpanukala na ipatupad ang charter change (Cha-cha) o baguhin ang konstitusyon bilang alternatibo.

Ngunit inihayag nito na ang Cha-cha ay maaring hindi magtagumpay dahil may ilang senador ang hindi pabor dito dahil sa kanilang paniniwala na madadagdagan pa ang termino ng Pangulo.