VIGAN CITY – Pinabulaanan ng isang mambabatas ang alegasyon ng National Movement for Free Elections (NAMFREL) na kaya itinutulak nila ang pagpapaliban ng barangay at sangguniang kabataan elections ay dahil ayaw nilang gumastos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na hindi umano totoo ang alegasyon ng NAMFREL dahil sa katunayan umano ay mayroon ng pondo para sa nasabing halalan.
Ayon kay Rodriguez, nagiging praktikal at realistic lamang umano sila sa pagtutulak ng election postponement kaya hiniling nila sa NAMFREL na itigil na ang pang-aakusa ng mga kung anu-anong bagay sa kanila.
Aniya, wala umanong local officials kahit sa anong panig ng mundo ang uupo sa puwesto sa loob lamang ng higit dalawang taon kaya nais nilang ipagpaliban ang nasabing halalan sa pangalawang Lunes ng May, 2023.