-- Advertisements --

Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) ang panukala ni Secretary Teodoro Herbosa na palitan ang pangalan ng ahensya ngunit nilinaw nito na nasa ilalim pa rin ito ng karagdagang pag-aaral.

Ayon kay DOH OIC Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo, ang panukala na palitan ang pangalan ng Departamento ay isang mahusay na ideya na pinalutang ng Kalihim.

Noong Hulyo 1, sinabi ni Herbosa sa isang panayam na pinag-iisipan niyang palitan ang pangalan ng DOH sa “Department of Health and Wellness” para i-highlight ang kamalayan sa health promotion.

Ipinaliwanag ni ASec. Domingo na tinukoy ng World Health Organization (WHO), sa charter nito, ang kalusugan bilang isang estado ng ganap na kagalingan mapa-pisikal, mental, at panlipunan man at hindi lamang ang kawalan ng sakit o kapansanan.