-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naniniwala ang isang Bicolanong kongresista na malapit nang maaprubahan ang isinusulong na panukala na payagan ang immediate family members na makaangkas sa motorsiklo sa gitna ng community quarantine protocols dahil sa coronavirus pandemic.

Sinabi ni Ako Bicol Party-list Representative Alfredo Garbin Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, magkakaroon pa ng deliberasyon sa usapin subalit seryoso itong ikinokunsidera ng Inter-Agency Task Force.

Paliwanag ni Garbin na hindi applicable sa magkakapamilya na magkakasama sa bahay na pagbawalan na umangkas sa motorsiko dahil sa isyu ng social distancing.

Dagdag pa ng mambabatas na positibo ang feedback na nakuha nito mula mismo kay Presidential spokesman Harry Roque, Interior Secretary Eduardo Año, Dr. Gerardo Bayugo ng Department of Health (DOH) at ilang opisyal ng transportasyon.

Iniisip lang umano sa nasabing hakbang ang mas napapamahal na gastos ng mga mahihirap lalo na sa pagrenta ng tricycle at iba pang sasakyan tuwing lalabas.

Aniya, kung enforcement ang problema, hindi ito dapat na magpabigat sa krisis ng mga poor at low-income families.