-- Advertisements --

Ni-retain o pinanatili ng Senado ang P35.47 billion na panukalang 2025 budget ng Commission on Elections (Comelec) para sa susunod na taon. 

Sinabi ni Senadora Imee Marcos, na siyang dumidipensa sa pondo ng poll body, pinanatili ni Senate Committee on Finance ang iminungkahing P35.47 billion sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program (NEP), na mas mababa ng P4.912 billion kumpara sa 2024 na badyet ng ahensya. 

Ilalaan ng Comelec ang P15 billion para sa May 12, 2025, national and local elections at P11.6 billion para sa eleksyon sa Barangay at Sangguniang Kabataan sa December 2, 2025.

Ang bagong feature sa eleksyon sa susunod na taon ay pahihintulutan ang mga botante na mag-print ng mga resibo bago ipadala ang kanilang mga boto.

Gagamitin naman ang mga automated counting machine bilang stand-alone, battery-operated device na maaaring tumakbo nang hanggang tatlong araw, na hindi kailangan ng backup generator.

Samantala, kinumpirma ni Marcos na magsasagawa ang Comelec ng comprehensive voters’ education sa buong bansa, simula sa December 2 hanggang January 30, 2025, upang matiyak na pamilyar ang mga botante sa bagong sistema.