Sinabi ni Senador Juan Miguel Zubiri na marami sa mga kasamahan niyang mga senador ang nagpahayag na nagnanais na dagdagan ang pondo ng Office of the Vice President sa 2025.
Ito ay matapos na tapyasan ng Kamara ng P1.2 billion ang panukalang P2 bilyon na pondo ng OVP dahil sa pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas sa paggamit ng OVP budget, kabilang ang mga confidential funds.
Ayon kay Zubiri, ang pulso ng mga senador ay dagdagan nang kaunti ang budget ng OVP para sa susunod na taon.
Ngunit sa ngayon, hihintayin nila ang desisyon ni Senate Committee on Finance Chairman Senadora Grace Poe kung anong plano sa pondo ng opisina ng bise presidente dahil premature o maaga pa sa ngayon kung ano ang mangyayari.
Una na ring sinuportahan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pondo ng OVP para sa 2025.
Dapat magbigay aniya ng respeto at dangal sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Paano aniya makakapagtrabaho ang opisina ng bise presidente kung tatapyasan ito ng pondo kaya mas mainam aniya na ibalik na lamang ang tinapyas na budget ng OVP.