Hinimok ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang Dept of Education na bigyan ng special risk allowance ang mga guro na makikibahagi sa pagbabalik face-to-face classes sa Nobyembre.
Sa inihaing House Resolution No. 77, ipinunto ni Quimbo na karamihan sa mga guro na magtuturo muli sa pagbubukas ng klase ay nahaharap sa isang ‘unique risk’ ng pagiging lantad sa COVID-19 virus.
Batay kasi aniya sa ulat ng DEPED noong October 2021, 0.14 percent lamang ng mga menor de edad na nasa 12-17 age bracket ang bakunado habang 50.33 percent lamang ng teaching at non-teaching staff and fully vaccinated.
Diin ng mambabatas na bilang frontliners ng education sector ang mga guro ay marapat lamang na tiyakin ang kanilang kaligtasan at mabigyan ng karampatang kompensasyon ang pagkakalantad nila sa sakit.
Hiniling din ni Quimbo sa Dept of Health (DOH) na bumubo ng panuntunan upang mabigyan ng prioritization and mga guro sa pagtanggap ng COVID-19 vaccine booster.