Suportado ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang panukalang taasan ang bayad sa mga guro at poll workers para sa nalalapit na halalan sa susunod na taon.
Ipinanawagan din ni Pimentel na dapat exempted sa buwis ang election-related benefits at allowances ng mga guro at magsisilbing bantay sa 2025 midterm elections.
Aniya, napakahalaga ng gampanin ng mga guro sa pagtiyak ng malinis, maayos at matiwasay na halalan sa 2025.
Sa mga ‘hot spots’ na lugar sa bansa aniya ay hindi maiwasang malagay sa panganib ang kaligtasan at buhay ng mga guro at poll workers.
Giit pa ng senador, hindi dapat ipagkait ang kakarampot na benepisyong ito at itodo na ang honoraria na karapat-dapat sa mga guro at iba pang poll workers.
Kinatigan ni Pimentel ang panukala ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na taasan ang honoraria, allowance, at legal na proteksyon para sa mga gurong nagsisilbing miyembro ng Board of Election Inspectors (BEI).
Dapat balikan ng Kongreso aniya panukalang budget para sa honoraria ng mga guro at poll workers sa 2025 proposed national budget.