-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang “universal social pension” para sa lahat ng senior citizens sa Pilipinas.
Si Marikina Rep. Stella Quimbo ang sponsor ng nasabing panukala.

Sa House Bill aniya, ang mga benepisyaryong mahihirap na senior citizens ay patuloy na makatatanggap ng P1,000 kada buwan; habang P500 kada buwan naman ang ibibigay sa iba pang miyembro ng senior citizen population.

Ayon kay Quimbo, hanggang ngayon kasi ay hindi pa lahat ng senior citizens ay nabibigyan ng karampatang pensyon. Sa katunayan, mababa sa kalahati ang kasalukuyang sakop ng programa.

Kaya naman sa ilalim ng universal pension, ang lahat ng senior citizens sa Pilipinas — mahirap man o mayaman, may natatangap nang pensyon o wala pa tatanggap na ng pensyon.

Sinabi ni Quimbo, otomatiko na ang pagiging kasapi sa social pension basta nasa edad 60-anyos pataas.

Giit ni Quimbo, panahon nang tumbasan ang mga kontribusyon ng mga senior citizen, kaya dapat isabatas ang panukala.