Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na tatalakayin nito kasama ang iba pang mga ahensya ng gobyerno ang panukala ng isang labor group na pagbibigay ng subsidiya sa mga manggagawa.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, idudulog daw nito ang nasabing usapin sa Department of Finance (DOF), National Economic and Development Authority (NEDA), at Department of Trade and Industry (DTI).
Dagdag ni Bello, nakadepende rin daw ang suhestyon sa kapasidad ng pamahalaan na magbigay ng wage subsidy.
Bagama’t inamin ng kalihim na maganda ang mungkahi, dapat daw itong pag-aralan nang maigi upang madetermina kung may sapat bang kakayanan ang pamahalaan na pagbigyan ang naturang hiling.
Una rito, sinabi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na importante ang cash subsidy mula sa pamahalaan dahil makatutulong ito na mapunan ang kanilang pangangailangan.
Kung maaalala, patuloy na bumibilis ang inflation sa nakalipas na tatlong buwan ng 2020, na nasa 3.5% nitong Disyembre.