-- Advertisements --

Nakikipag-ugnayan na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa napaulat na Pilipinong nakaranas ng diskriminasyon sa Italy dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Magugunitang nai-report ng international media na isang Pilipino ang sinuntok umano sa isang supermarket sa Casalpusterlengo, Italy dahil napagkamalang Chinese.

Ang Casalpusterlengo ay isa sa 10 lugar sa Lombardy region na naka-lockdown para pigilan ang pagkalat ng nasabing virus.

Sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac, ang pagkakaalam ng gobyerno ay well-loved o minamahal ang mga Pilipino na nasa Italy.

Matagal na umanong naninilbihan ang mga Pilipino sa Italy at dumarami pa sila.

Naniniwala daw ang OWWA na magbibigay ng kooperasyon ang Italian government sa ating Department of Foreign Affairs.

Umaasa ang gobyerno na aaksyunan ng mga otoridad ng Italy ang insidenteng ito laban sa isang Pilipino.