Nalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga Pilipinong tripulante sa pagtutok ng Chinese missile boat ng People’s Liberation Army-Navy (PLAN) sa sasakyang panghimpapawid ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) habang nagsasagawa ng maritime patrol sa West Philippine Sea ayon sa National Maritime Council.
Isa sa mga missile boat ang nagtutok ng laser sa BFAR plane. Nag-isyu naman ng radio challenge ang mga piloto na sina Charles Manalo at Alex Garay laban sa warship ng China subalit hindi ito tumugon, sa halip itinutok pa ng panig ng China ang 2 pang laser sa eroplano ng PH bago ito nag-iba ng direksiyon.
Matapos ang insidente, sinabi ni National Maritime Council Undersecretary Alexander Lopez na maaaring malagay sa seryosong kapahamakan ang mga piloto dahil sa pagtutok ng lasers ng China na maaaring magdulot na pansamantalang pagkabulag.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na kanilang lilipulin ang mga report mula sa field at mula sa mga kasamang media na kanilang ipapadala sa DFA para sa kaukulang aksiyon.
Una rito, dalawang missile boat ng Chinese Navy ang bumuntot sa 2 barko ng PH na BRP Datu Romapenet at BRP Datu Matanam Taradapit habang patungo sa Hasa-Hasa o Half-Moon Shoal sa WPS noong Biyernes, Setyembre 27 para magbigay ng tulong at iba pang suplay para sa mga mangingisdang Pilipino.
Kasama ng 2 barko ang 1 BFAR plane na nagsasagawa noon ng maritime patrol.
Bukod sa dalawang barkong pandigma ng China, namataan din sa lugar ang China Coast Guard (CCG) vessel 21555. Ang nasabing barko ng CCG ay responsable sa pagkasira ng BRP Bagacay ng Philippine Coast Guard at BRP Sanday ng BFAR sa magkahiwalay na insidente noong Agosto.