-- Advertisements --

Suportado ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta ang pagsasaligal ng divorce sa Pilipinas.

Ayon kay Acosta, ang divorce ang posibleng magsisilbing sagot sa libo-libong mga Pilipino na dumaranas ng ‘dysfunctional or broken families’.

Dagdag pa ng abogado, tiyak na bibigyang-kalayaan nito ang mga taong dumaranas ng pang-aabuso, at mga batang inaabuso ng kanilang ama at iba pang uri ng problema sa pamilya.

Kasabay nito ay umapela naman ang abogado sa mga senador na ayaw sa diborsyo na bigyan ito ng puwang.

Ani Acosta, maaaring ayaw nila ang diborsyo sa Pilipinas dahil mayroon silang masaya at mapagmahal na pamilya ngunit kailangan aniyang intindihin ng mga ito ang mga Pilipinong naghihirap at dumaranas ng pang-aabuso at pangmamaltrato sa kamay ng kanilang asawa.

Pinuri rin ni Acosta ang mga mambabatas na sumuporta upang tuluyan itong maipasa at maging ganap na batas.

Samantala, tiniyak naman ni Acosta na nakahandang tumulong ang PAO sa mga divorce cases sa sandaling pumasa na ito at maging isang ganap na batas.