Itutulak umano ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pag-alis sa pondo at tuluyang pagbuwag sa forensic laboratory ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ito’y kahit na pumalag ang hepe ng PAO na si Atty. Persida Rueda-Acosta sa mga batikos na ang findings nila sa mga pagkamatay dahil sa Dengvaxia ang nagdulot ng takot ng mga tao sa pagpapabakuna.
Sa nangyaring pagdinig ng Senate finance panel kaugnay sa 2020 budget of the Department of Justice (DOJ), sinabi ni Drilon na ang forensic lab ng PAO ay aksaya lamang umano sa pera.
Paglalahad pa ng senador, ang ginagawa ng PAO forensic lab ay kagaya lamang din ng counterpart nito sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police.
“Ang pera ng bayan ay nalulustay sa isang bagay na puwede namang gampanan ng NBI at PNP (Philippine National Police),” wika ni Drilon.
Bago ito, nagisa rin ni Drilon si Acosta tungkol sa pagkakaroon ng forensic laboratory ng tanggapan nito kahit na hindi ito kasama sa mandato ng PAO.
Depensa ni Acosta, mayroon lamang silang forensic consultant mula noong 2004 at nagdagdag daw sila ng mga tauhan sa paglipas ng taon.
Kanila rin aniyang binuksan ang laboratoryo noong 2010 upang umagapay sa kanilang mga imbestigasyon.
Ayon kay Acosta, pinayagan daw ng Department of Budget and Management ng karagdagang mga tauhan para sa forensic laboratory, na kinontra naman ni Drilon sa pagsasabing hindi raw maaaring bumuo ng opisina ang DBM.
Nagkaroon naman ng tensyon sa pagitan nang dalawa nang hindi tumutugma ang mga sagot ni Acosta sa mga tanong naman ni Drilon.
Dahil dito, napilitan si committee chair Sen. Sonny Angara na isuspinde ng dalawang minuto ang hearing.