Ikinadismaya ng Public Attorney’s Office ang naging desisyon ng Department of Justice na iurong ang kaso na unang inihain laban kay dating Health Secretary Janette Garin at iba pang indibidwal na dawit sa isyu ng Dengvaxia vaccine.
Dahil dito naghain ng motion for reconsideration ang PAO at hiniling na bawiin ng Justice Department ang kanilang desisyon.
Batay sa 68 pahinang motion for reconsideration, iginiit ng PAO na mayroong sapat na prima facie evidence para patunayang guilty si Garin, Dr. Gerardo Bayugo, at Dr. Ma Joyce Ducusin.
Patunay na aniya dito ang pagkamatay ng nasa 170 na bata matapos na maturukan ng Dengvaxia vaccine.
Iginiit rin sa mosyon na hindi maaaring takasan ng mga akusado ang kanilang pananagutan sa batas.
Napatunayan rin aniya na ang mga akusado ay nakapag commit ng gross negligence, absence of foresight, care and skill.
Punto pa ng PAO na naging experimental lamang ang pagtuturok ng Dengvaxia vaccine.