-- Advertisements --

Naghain ngayon ng petisyon ang Public Attorney’s Office (PAO) sa Supreme Court (SC) para ipalipat sa regional trial court (RTC) ang venue sa mga pagdinig sa Dengvaxia cases.

Sa extremely urgent petition to transfer venue and consolidate cases in one regional trial court na inihain ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta, iginiit nitong mas maiging mailipat ang venue sa iisang family court sa Quezon City para mapadali ang pag-usad ng kaso.

Si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta

Paliwanag pa ni Acosta, kapag iba’t ibang korte kasi ang hahawak sa kaso ay posibleng iba-iba rin ang magiging desisyon sa kaso.

Ang mga kaso kasi ng unang batch ng Dengvaxia case na kinabibilangan ng siyam na reklamo ay naisampa sa iba’t ibang korte dahil sa iba’t ibang lugar din galing ang mga biktima ng umano’y namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.

Umaasa nag PAO na pagbibigyan ng kataas-taasang hukuman ang kanilang hiling na magkaroon ng special court na didinig sa lahat ng Dengvaxia cases.

Mga magulang ng umano’y biktima ng Dengvaxia vaccine

Kasabay naman ng paghirit ng PAO sa SC na ilipat sa iisang korte ang lahat ng Dengvaxia case ay nagsagawa rin ang mga pamilya ng umano’y biktima ng bakuna ng kilos protesta sa harap ng Korte Suprema.