Pinabulaanan ng Public Attorney’s Office (PAO) ang mga paratang na kontra raw sila sa paggamit ng mga bakuna.
Sa isang pahayag, iginiit ng PAO na hindi sila ang dahilan kung bakit nawalan ng tiwala ang publiko sa mga immunization program ng gobyerno.
Sinabi pa ng PAO na ang mga nasa likod ng kontrobersiya sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia ang siya umanong nagpapasama sa kanilang imahe, at siraan din ang COVID-19 vaccination plans ng gobyerno.
“The PAO is not anti-vaccine. For lack of a better defense, personalities linked to Dengvaxia have vilified the PAO, making the PAO appear as anti-vaxxers out to destroy people’s confidence in vaccines,” saad ng PAO.
“PAO will never encroach into politics, nor in public health issues. It seeks only to perform its mandate of giving justice to the victims and survivors and follow the DOJ directive of assisting Dengvaxia victims,” dagdag nito.
Hindi naman inilahad ng tanggapan ang mga pagkakakilanlan ng mga naninira sa kanila.
Kung maaalala, binili noong termino ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Dengvaxia, na kauna-unahang anti-dengue vaccine na ginawa ng Sanofi Pasteur.
Ngunit noong 2017, binawi ng nasabing kompanya ang Dengvaxia at nagbabala na maaaring mag-trigger ng severe symptoms ang nasabing vaccine kapag ibinigay sa taong hindi pa nagka-dengue.