cropped Persida Acosta 6

Nanindigan ang Public Attorney’s Office(PAO) na nakapagbigay sila ng sapat na legal assistance sa dalawang environmental activists na sina Jonila Castro at Jhed Tamano.

Ginawa ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta ang pahayag bilang kasagutan sa naunang inilabas na statement ng National Union of People’s Lawyers(NUPL) na kabilang ang PAO sa mga responsable sa umanoy ‘illegal arrest and detention’ kina Castro at Tamano.

Ayon kay Atty Acosta, hindi batid ng NUPL ang kabuuan ng ginawang pagtulong ng PAO sa dalawang aktibista, hanggang sa execution ng kanilang sinumpaang salaysay.

Paliwanag ng PAO Chief, ang dalawang aktibista ay nabigyan ng tulong sa pamamagitan ni Atty Joefer Baggay mula sa PAO-Norzagaray District Office na siyang tumugon sa tawag ng 70th Infantry Battalion mula sa Trinidad, Bulacan.

Dagdag pa ni Acosta, ipinakita kay Atty Baggay ang isang sulat-kamay na opisyal na pahayag ng dalawang aktibista na siya namang pinatunayan ng abogado.

Matapos aniyang matiyak na ang naturang statement ay boluntaryong sinulat ng dalawa, sunod namang kinuhanan ang mga ito ng oath of undertaking, sa harapan ng mga magulang ni Tamano.

Ang tulong ni Atty Baggay ay bahagi aniya ng tungkulin ng PAO bilang partner agency sa ilalim ng Task Force Balik-Loob, na siyang pangunahing programa ng pamahalaan para sa mga rebeldeng nagbabalik loob.