Simula na ang mas maigting na paghahanap ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng illegal workers ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Umpisa kasi ngayong araw ay wala nang pinapayagang POGO na makapag-operate sa alinmang bahagi ng ating bansa.
Ayon kay PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz, may mga inaasikaso na sila mula sa mga sumbong ukol sa ilang dayuhang hindi nag-downgrade ng kanilang visa.
Ang mga ito umano ay patagong nagpapatakbo ng maliliit na pasugalan at mga kahalintulad na aktibidad.
Para kay Cruz, mas madali na para sa kanilang matukoy ngayon ang mga nasa illegal operations, dahil lahat ng POGO ay agad nang minamarkahang bawal mula sa deadline kahapon ng pamahalaan.
Ayon naman kay Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval, agad nilang isasalang sa deportation proceedings ang sinumang dayuhan na sangkot sa POGO.
Sapat na aniya ang panahong nailaan para magkusa ang mga ito na mag-downgrade ng visa mula sa working class patungo sa pagiging regular na byahero.
Ang mga kusang umalis ay maaari pang makabalik, habang ang mahuhuling may illegal papers ay itatala sa black list at hindi na makakabalik sa Pilipinas.