-- Advertisements --

Hindi naniniwala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission na may banta sa buhay ang naarestong sinibak na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Leal Guo o Guo Hua Ping.

Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, hindi niya maisip kung sino ang nagbabanta sa buhay ni Guo kung hindi naman niya inilaglag ang pangalan ng kaniyang kasamahang sindikato o nagpapatakbo ng ilegal na POGO na sinalakay sa bayan ng Bamban, Tarlac.

Sinabi naman ni PAOCC spokesperson Winston Casio na namuhay umano si Alice Guo at ang kaniyang pamilya sa isang buhay ng kasinungalingan kayat hindi na umano niya paniniwalaan pang muli ang anumang manggagaling sa kanilang bibig maliban na lamang kung may ebidensiya.

Ginawa ng PAOCC officials ang pahayag matapos na humiling ng tulong ang dating alkalde kay DILG Sec. Benhur Abalos Jr. dahil mayroon umano siyang death threat.

Una naman ng sinabi ng legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David na ang banta sa buhay ni Guo ang dahilan kung bakit hindi siya sumuko sa mga awtoridad noong nandito siya sa Pilipinas.