Ibinunyag ni Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesman Winston Casio ang pagsasakripisyo at paggasta ng pamahalaan ng Pilipinas para sa mga anak ng mga foreign Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers.
Ang mga sanggol na ito ay ipinanganak ng mga Pilipinang nagsilbing partner ng mga naturang foreign workers, at marami sa kanila ang basta na lamang iniwan.
Ayon kay Casio, marami sa mga Pinay ay nabuntis ng mga Chinese na nagtrabaho sa mga POGO hub.
Dinadala na rin aniya sa kanila ang mga sanggol na ipinanganak ng mga Pinay para mabilhan ng mga kaukulang gatas.
Sa katunayan aniya, gumagasta ang gobyerno ng hanggang P200,000 kada buwan para buhayin ang mga sanggol.
Hindi man tinukoy ni Casio ang bilang ng mga Pinay na nabuntis, sinabi nitong marami ang kanilang bilang at nangangailangan din ang mga ito ng karagdagang pagkalinga.
Matapos ang pag-raid ng komisyon sa mga ito, kailangan na aniyang gumastos ito para sa mga gastusin sa mga naturang pasilidad na una na rin nilang kinumpiska, katulad ng kuryente.