Kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio na marunong magsalita at nakakaintindi ng Tagalog at kaunting Bisaya ang negosyanteng si Tony Yang o natukoy din bilang Yang Jian Xin at Antonio Lim.
Ginawa ng opisyal ang pahayag matapos na sabihin ni Yang sa naging pagdinig sa Senado noong Martes na hindi siya marunong mag-Tagalog at Bisaya sa kabila pa ng pananatili nito sa Pilipinas sa loob ng 26 na taon.
Sa naturang pagdinig din, inamin ni Yang sa tulong ng interpreter na si Carolyn Batay na siya ay Chinese national at ipinanganak sa China na nagbunsod sa mga Senador para kwestiyunin ang pagkakaroon nito ng PH passport. Ipinaliwanag din ni Yang na tinulungan umano siya ng kaniyang lolo na makakuha ng birth certificate at ginawa umano ito para sa convenience sa negosyo nito sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ng PAOCC official na sa ngayon ang Bureau of Immigration ang may legal custody kay Yang dahil sa nakabinbing deportation case nito para sa misrepresentation at pagiging undesirable alien habang ang PAOCC ang may physical custody kay Yang.
Ayon naman sa Department of Justice, target ng pamahalaan na maghain ng mga reklamo laban kay Yang para sa palsipikasyon at ilegal na paggamit ng alias.
Iimbestigahan din ng mga awtoridad ang umano’y kaugnayan ng pamilya ni Yang sa POGOs.