-- Advertisements --

Kinumpirma ni Presidential Anti-Oraganized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Gilbert Cruz na ang Chinese national na si Huang Zhiyang ang boss of all bosses ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sangkot sa mga kriminal na aktibidad.

Aniya, si Huang din ang tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makakuha ng hotel accommodation sa Singapore.

Subalit hindi naman kinumpirma ng PAOCC official kung si Huang din ang tumulong sa sinibak na alkalde na makapuslit mula sa Pilipinas.

Sinabi din ng opisyal na si Huang din ang may-ari ng 5 pasaporte na nadiskubre sa ikinasa nilang raid sa isang villa sa Fontana Leisure Park, Clark Freeport Zone, Pampanga noong Hunyo.

Una rito, nitong Martes sinabi ni Senator Jinggoy Estrada na si Huang Zhiyang na kasalukuyan umanong nasa Taiwan ang posibleng dayuhan na tinukoy ni Alice Guo na isa sa mga tumulong sa kaniyang makatakas.