Magpapatupad ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ng mas mahigpit na safety nets matapos makapuga ang mga target sa ikinasang raid sa isang gusali sa Makati city na sangkot umano sa scam activities ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Tila natiktikan kasi ang isinagawang raid dahil wala ng nadatnan ang mga awtoridad sa lugar.
Base kasi sa nakalap na entry record ng mga empleyado, ang pinakahuling pumasok ay bandang alas-4:00 ng hapon subalit nang i-raid na ng PAOCC ang gusali bandang alas-6:00 ng gabi ay wala na silang naabutan pang empleyado.
Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, hindi maiwasang may mga magsusumbong bago ang kanilang ikakasang raid subalit tiniyak ng opisyal na magiging maingat na sila sa kanilang mga susunod na operasyon.
Nagpapatuloy naman aniya ang diskusyon kung kasama ang may-ari ng gusali sa mga posibleng kasuhan ng administrative o criminal sanctions. Ito ay maliban pa sa closure order na ipinataw ng Makati Business Permit and Licensing Office sa naturang pasilidad.