Mayroon ng lead ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kaugnay sa mga source na umano’y nag-leak sa planong raid o paggalugad sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub ng Lucky South 99 sa Porac, Pampanga noong Hunyo 5.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio na sa nakalipas na 3 araw mayroon na silang nakuhang leads.
Una ng pinalutang ng PAOCC official ang posibilidad na nagkaroon ng leakage sa kanilang plano matapos na tila natiktikan ang kanilang operasyon sa naturang POGO hub dahil nakatakas na ang ilan sa mga salarin at tanging nasa 158 na banyaga lamang ang nasagip, malayo pa ito sa pinaniniwalaang 1,000 dayuhan na nagtratrabaho sa naturang offshore gaming na sangkot sa mga ilegal na gawain.
Ayon kay Casio, makikipag-ugnayan ang anti-crime body sa iba pang ahensiya na sangkot sa POGO raid para ibunyag ang kanilang hawak na lead sa araw ng Lunes.
Samantala, kaugnay sa mga bangkay ng 9 na dayuhan natagpuan sa iba’t ibang lugar sa Pampanga, sinabi ni Casio na humiling na ang PAOCC sa Pampanga Police District na magbigay ng kopiya ng kanilang report.
Mahigpit ding tinututukan ng anti-crime body ang kamakailang development matapos makatanggap ng tawag mula sa embahada ng Malaysia, China at Vietnam kaugnay sa mga natagpuang labi ng mga dayuhan.