Inihayag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Linggo na ilan sa kanilang tauhan ang nakatanggap ng death threats dahil sa kanilang imbestigasyon sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs.
Dahil dito, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio na lagi silang naka-alerto sa anumang posibleng pangyayari.
Ang PAOCC ang nasa likod ng ilang malalaking pag-aresto kamakailan sa mga POGO hub na sangkot sa kriminal na gawain, kabilang na ang mga nasa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.
- PAOCC, sinisiyasat na ang insidente ng pagbili at pagrenta ng ilang dayuhan ng mga lupain sa ilang probinsiya sa PH
- Mayor Alice Guo, nakatakdang sampahan ng mas maraming kaso – PAOCC
- POGO manager sa Porac, Pampanga na tinangkang umalis ng bansa, nahuli sa Davao – PAOCC
Dahil sa mga operasyon na ito, libu-libong Pilipino at foreign nationals, kabilang ang mga Tsino, Malaysians, at Vietnamese, ang na-rescue. Ang ilan din sa mga na-rescue ay biktima ng torture at kidnap.
Nahuli rin ang ilang dayuhan matapos ang mga raid na ito.
Sa kabila nito, iginiit ni Casio na ang PAOCC ay isang civilian agency lamang at ang kanilang mga tauhan ay mga analyst lamang na karaniwang hindi gumagamit ng armas sa mga raid operation.
Nauna nang sinabi ng PAOCC na may nasa 300 POGOs na ilegal na nag-ooperate sa bansa na ayaw sumunod sa regulasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).