Nagbabala ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pagkansela sa pasaporte ng sinibak na si ex-Bamban Mayor Alice Guo at pagpapa-deport sa kaniyang kapatid na si Sheila Guo sa China.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, ipinaliwanag ni PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio na maaaring maging pabor kay Guo ang pagkansela sa kaniyang pasaporte at posibleng humantong sa paglalagay sa kaniya sa ilalim ng proteksiyon ng United Nations.
Kapag naging stateless individuals o nawalan ng nasyonalidad sina Guo dahil sa pagkansela ng kanilang mga pasaporte, magiging refugee ang mga ito at mapapasok sa framework ng UN Commission for Refugees.
Ayon pa sa opisyal ang isang Chinese national na nakakuha ng ibang nasyonalidad ay mahihirapan na umanong makakuhang muli ng Chinese citizenship.
Kayat bagamat malaking tulong ang kanselasyon ng mga pasaporte nina Guo para malimitahan ang kanilang pagbiyahe, mas makakabuti aniya na panatilihin na lamang ang kanilang Filipino citizenship sa ngayon.
Ang pinakalayunin aniya dito ay mapanagot sina Guo dito mismo sa Pilipinas.
Sinabi din ni Casio na habang nasa kulungan na sila saka kakanselahin ang kanilang pasaporte at kapag naisilbi na nila ang kanilang sentensiya saka problemahin kung saan sila itatapon o dadalhin.