Pinabulaanan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang tinawag nitong pumalpak na ikalawang operation kaugnay sa ikinasang POGO hub raid sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa ahensiya, ang mga dayuhang suspek ay napaulat na pinakawalan pero iginiit ng ahensiya na hindi nila pinapakawalan ang sinumang dayuhan na kanilang nahuhuli sa kanilang mga operasyon. Itinanggi din ng ahensiya ang paglalabas ng mga pahayag kaugnay sa raid at wala umano silang alam dito dahil hindi sila parte sa naturang operasyon na pinangunahan ng PNP-NCRPO at PNP-ACG.
Sinabi din ng PAOCC na hindi sila kinonsulta o in-inform hinggil sa naturang operasyon.
Iginiit pa ng PAOCC na lahat ng kanilang mga operasyon ay palaging properly coordinated sa Inter-Agency Council Against Trafficking ng Department of Justice at Bureau of Immigration.
Ang ikalawang raid ay ginawa matapos salakayin ng PAOCC sa pangunguna ni USec. Gilbert Cruz, PNP-Special Action Force and Criminal Investigation and Detection Group ang Central One Bataan PH Inc. sa CentroPark sa Bagak, Bataan noong Oktubre 31 sa bisa ng search warrant na inisyu ng Malolos, Bulacan court. Nasa 900 na POGO workers ang nailigtas ng mga awtoridad, kung saan 300 dito ay foreign nationals at 600 ang mga Pilipino.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, nakapag-secure ang Central One ng license to function bilang business process outsourcing firm subalit lumalabas sa ebidensiya na maaari itong konektado sa illegal online gambling at cryptocurrency.
Base sa intelligence report, sinabi ng PAOCC official na may 111 illegal POGO hubs na nakatakda pang itigil ang kanilang operasyon.