Pinag-aaralan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang paghahain ng tax evasion charge at paglabag sa securities law laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ang mga naturang kaso ay kaiba pa sa mga kasong naunang inihain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa pagkakasangkot umano ng alkalde sa na-raid na Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban noong buwan ng Marso.
Ayon kay PAOCC spokesman Winston Romeo Casio, maaaring isama nila sa kanilang ihahaing mga reklamo ang iba pang mga opisyal ng Bamban, Tarlac.
Sa tax evasion, sinabi ni Casio na hindi pa nila nako-compute ang halagang i-uugnay dito ngunit naniniwala aniya ang komisyon na malaking pera ang kanilang hahanapin, kung ikukunsidera ang kasalukuyang lifestyle ng alkalde.
Sa ilalim naman ng paglabag sa Securities Regulation Code, ito ay may kaugnayan sa koneksyon ng alaklde sa Hongsheng Gaming Technology Inc. na umanoy iligal na nago-operate at una nang ni-raid ng mga otoridad noong Marso.