Kinumpirma ng Presidential Anti-organized Crime Commission (PAOCC) ngayong araw na mayroong ilang dayuhan na bumibili at nagrerenta ng mga lupain sa ilang probinsiya sa bansa.
Ayon kay PAOCC USec. Gilbert Cruz, sinisiyasat na nila ang nasabing insidente kung saan hindi lamang ito nangyayari sa Palawan kundi sa iba ding probinsiya tulad ng Nueva Ecija at partikular na sa mga probinsiya na nagpo-produce ng bigas.
Una umanong ginagawa ng mga ito ay uupahan ang lupang sakahan sa halagang P80,000 hanggang P100,000 kada ektarya.
Inihayag naman ng opisyal na maaaring makontrol na ng mga dayuhan ang food security sa bansa dahil kung lahat ng pinagtatamnan ng palay ay kanilang inuupahan, sila na aniya ang may kontrol sa presyo ng bigas.
Samantala, nakikipagtulungan na ang anti-crime body ng pamahalaan sa DA at DILG kaugnay sa naturang isyu.
Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod na rin ng paghimok ng Catholic Bishop sa gobyerno na imbestigahan ang mga dayuhan na umano’y bumibili ng mga lupain sa Taytay, Palawan.
Sa kasalukuyan, sa ilalim ng Saligang batas ng PH, limitado ang pagmamay-ari ng mga pribadong lupain para sa mga Pilipino o korporasyon na pagmamay-ari ng mga Pilipino na may 60% ng capital stock.