Kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ngayong Martes na sinibak sa pwesto ang tagapagsalita ng ahensiya na si Dr. Winston Casio.
Ito ay habang gumugulong ang imbestigasyon sa insidente ng pagsampal ng opisyal sa Pinoy worker ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bagac, Bataan noong Huwebes, Oktubre 31.
Sa isang memorandum na inisyu nitong Lunes, Nobiyembre 4, inatasan ni PAOCC Executive Director Gilbert Cruz si Casio na ipaliwanag ang umano’y hindi magandang pagtrato nito sa Pilipinong POGO worker. Nakasaad din na effective immediately ang pag-relieve kay Casio at hanggang sa makumpleto ang imbestigasyon sa insidente.
Sa panig naman ni Dr. Casio, ipinaliwang niyang hindi niya napigilang sampalin ng 2 beses ang naturang indibidwal matapos itong bastusin ang staff ng PAOCC at mag-dirty finger sa kaniya. Pinagsabihan niya din aniya ang indibidwal sa hindi magandang inasal nito. Pinagpili din umano niya ito kung sasampahan siya ng unjust vexation o sampalin siya at pinili umano ng indibidwal ang huli kayat sinampal nito. Subalit, aminado naman si Casio na mali ito kaya handa umano siyang harapin ang consequence sa kaniyang naging aksiyon.
Nakuhanan ang naturaang insidente sa CCTV na nag-viral naman sa social media.