-- Advertisements --

Tiniyak ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang patuloy na paghabol nito sa mga natitira pang mga indibidwal na sangkot sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO)

Kinumpirma mismo ng tagapagsalita ng naturang komisyon na si Spokesperson Winston Casio na mayroon pa umanong natitirang higit 9,000 POGO workers ang hindi pa rin humihinto sa kanilang gawain habang nasa loob ng bansa.

Ayon sa kanya, matapos mapaulat ang hinahanap na nasa 11,000 POGO workers sa Pilipinas, higit 1,000 rito ay naaresto, nahuli at dinala na sa kanilang kustodiya. 

Ngunit aminado ang naturang tagapagsalita na ang iligal na operasyon ng mga ito ay isinawalang bahala at isinasantabi lamang ang kautusan ng pangulo na i-ban ang POGO sa bansa. 

Dahil dito, sinabi niya na makaseseguro ang publiko na kanilang ipagpapatuloy ang paghahanap sa natitirang mga trabahador ng iligal na gawain. 

‘We’re still going to run after 9,900 POGO workers out there… despite the ban of the president mukhang hindi ho talaga tumalima ang napakaraming mga POGO workers at POGO bosses,’ ani Spokesperson Winston Casio ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.

Samantala, ibinahagi naman ni PAOCC Spokesperson Winston Casio na gumagastos ang pamahalaan ng higit 35 milyong piso kada apat na buwan para lamang sa mga dayuhang POGO workers na kanilang nahuli. 

Aniya, inaasahan na ito’y dumoble sapagkat ang nakalaan lamang dito ay para sa 500 na ngayo’y umabot na sa lagpas isang libo ang kasalukuyang nasa kanilang kustodiya. 

Kaya naman giit niya, mahalaga na agarang mapabilis ang pagproseso sa deportation ng mga ito upang hindi na mas lalong magtagal pa sa bansa.