-- Advertisements --

Umaasa ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na maaalis na ang lahat ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa 2025.

Sinabi ni PAOCC Executive Director, Undersecretary Gilbert Cruz, na mahigit isandaang POGOs lamang ang kumikilos nang small-scale sa bansa matapos ang deklarasyon ng total ban ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga POGO. 

Mula sa malalaking POGO hubs, ani Cruz, karamihan sa mga operator na ito ay nagnenegosyo na ngayon mula sa mga apartment, condominium, kasama na sa kanilang mga kuwarto sa mga hotel o resort.

Nauna nang nailigtas ng PAOCC ang 34 na Indonesian mula sa umano’y POGO hub sa Pasay at inaresto ang isang babaeng Chinese na nagngangalang Liu Meng, dalawang hindi pa nakikilalang Chinese national, at isang Malaysian.

Ayon kay Cruz, ang mga Indonesian, ay nagsabi sa mga awtoridad na sila ay pinilit na magtrabaho para sa isang “fraudulent operation” sa Pasay.

Matapos suspendihin ang mga aktibidad nito noong Enero 21, nilayon ng kumpanya na lumipat sa Cambodia.